Sunday, January 16, 2011

Marka ng Diyos

pic (c) R. Tamon

Kapag nakaharapan mo ang isang tao sa unang pagkakataon mata ba ang una mong makikita? Hindi sa akin. Kasi nakasalamin siya nung una ko siyang nakita kaya yung salamin yung napansin ko. Kahit na inaalis niya ito paminsan-minsan kapag hinihiram ko, hindi ko pa rin pinapansin ang kanyang mga mata. Tinignan ko lang iyon ng mabuti nang sinusulat ko na ito.
Brown pala ang kulay ng kanyang mga mata at medyo pa-oval na parang almond nut sa kulay at hugis. Ngunit hindi ko pa nakikitang idinilat niya ang mga ito ng malaki at kanina pa nga ay isinasara niya ang mga ito na parang may tinatanaw sa malayo habang malakas ang sikat ng araw, kaya't iginanun ko din ang mga mata ko at nakipagtinginan sa kanya.

Pero kung nasa malayo ka, ang una mong mapapansin ay ang buhok niyang nakalapat maliban sa harap. Ayus na ayos iyon na parang ginamita ng suklay, medyo matigas din at parang basa. Nilalagyan niya kasi ng gel. Pero hindi na ngayon. Iba na ang ginagamit niya. Wax ang tawag doon. Para sa akin mas maganda iyon kasi mas mabango. 'Di tulad dati, nakikita ko na rin siyang hindi ganito ang ayos kapag lumalabas. Tinutuyo lang niya ito at hindi inaayos, tulad ng kapag nasa bahay siya.

Nakakatawa ring tignan ang kanyang mga labi. Maliit, manipis at maputla ang mga ito na parang dalawang pinagpatong na maliliit at kulay puting chocolate-filled-marshmallows. Hanggang sa magpa-brace siya kaya medyo kumapal at pumula na ang mga iyon.

Hindi ko na maalala ang itsura ng kanyang mga ngipin dahil yung brace na lang ang napapansin ko. At nung binigyan pa niya ako ng chocolate-covered-marshmallow na kinagatan na niya, nakita ko doon ang bakat ng kanyang mga ngipin na parang fossil sa lupa. Masaya siyang kasamang kumain sa labas dahil masarap siyang kumain.

Maliit ang kanyang mga tenga. Parang nakalubog ang mga ito na pati ang kanyang mga earlobes ay nakadikit na sa balat niya. Katabi ng mga ito ang kanyang mga patilya na hindi ipinapaahit.

5’ 8’’ ang kanyang tangkad. Mapayat na parang kawayan sa unang tingin pero katamtaman lang talaga, mahaba lang kasi ang mga braso't binti niya. Maputi ang balat at medyo mabalahibo ngunit hindi pansin dahil sa sobrang nipis ng mga ito. Manipis din ang buhok niya sa may kili-kili.

Marami siyang nunal at kapag naka-sando lang siya mapapansin mo agad ang nunal niya sa Ieeg at sa may ibaba ng leeg. Makikita mo rin sa kanyang kanang braso ang marka na nagpabakuna siya. Nakita ko ang kanyang mamula-mulang paligid ng pusod na kontrang­-kortra sa maputi niyang tiyan na parang strawberry-milk shake ng itaas niya ang kanyang sando.

Kita din ang brown na brown niyag nipples na para namang kape na lumulutang sa gatas. At ang parang napasong balat sa bandang kaliwa ng kanyang likod ay nagbabalat at nawawala na.

Ang kanyang paa ay parisukat na parisukat at ang kanyang mga daliri sa mga kamay at mga paa ay mahaba. Ang mga kuko naman niya ay parisukat din at medyo maliit. Mukhang robot siya dahil dito ngunit pa string ­puppet talaga siya kung kumilos.

Tumingin ako sa kanya at nakita ko sa mga salamin niya ang mga mata ko. Hiniram ko ang salamin at isinuot. Medyo malabo at nahilo ako. Inalis ko at ibinalik sa kanya.


No comments:

Post a Comment