Kung sa mga linguistic test, totoo na ang Filipino at Tagalog ay iisang wika lamang dahil wala pang masyadong pinagkaiba (mutually intelligible, parehong grammar, at napakalapit na lexicon). Pero totoo nga ba?
Ang kailangan lang natin malaman, sa depinisyon at sa batas, ang Filipino ay maaaring maging iba sa Tagalog. Ang Filipino ay "gawa-gawang" (synthetic/ nang dahil sa batas) wika lang naman e. Isang proyekto kumbaga. Ang proyektong Wikang Pambansa na tinawag na Filipino. Hindi pa natin naaabot yung Filipino na gusto natin kaya nga ang tingin natin parang pareho pa rin yung Filipino at Tagalog.
Bakit ba kailangan ng wikang pambansa? Ideal sana na ang wikang pambasa ay siya ring opisyal na wika. Ibig sabihin wikang ginagamit sa mga ahensya ng gobyerno, wika kung saan nakasulat ang mga batas at mga desisyon ng mga korte, at wikang pinantuturo sa paaralan. Ideal rin na ang wikang pambansa ay lingua franca o wikang naiintindihan ng lahat o ng pinakamarami.
Napili noong 1937 na maging basehan ng wikang pambansa ang Tagalog dahil ito ang lingua franca noong panahong iyon at dahil pa sa ibang mga dahilan. Ngunit ngayon, ang Tagalog ay "patay" na. Masyado raw kasing naging purista (kung maririnig ninyo ang "malalim" o "matanda" o "lumang" Tagalog, ito 'yun) kaya hindi na katanggap-tanggap na wikang pambansa. Kaya sinimulan ang proyektong Filipino noong 1973 at noong 1987 ito naging Wikang Pambansa.
Samantala'ng ang Filipino ay buhay. Bukas na bukas manghiram sa ibang mga wika pati na rin sa mga wikang dayuhan. Hindi katulad ng puristang Tagalog na umiimbento ng mga salita kahit mayroon na (salumpuwit kayo dyan? kahit may silya na). Kaya naririnig natin na "ano ang Tagalog ng berde?". Sa tinagal-tagal ng berde ay itinatakwil pa rin itong hindi Tagalog.
Tagalog ako e. At hindi ako marunong magsalita ng iba pang wika sa Filipinas. Ang hirap namang talikuran ng sarili kong kasaysayan. Pero iyon ang totoo: baka hindi na ako marunong mag-Tagalog.
Marami na rin sigurong Tagalog ang hindi marunong mag-Tagalog. Kaya inangkin nila ang Filipino at pinagkakamalan itong Tagalog. Nang magkaroon ng makabagong alphabetong Filipino, iyon na rin ang alphabetong Tagalog. Kapag may Filipino sa TV, radyo, o libro, Tagalog na rin iyan. Naglabas ang KWF ng Ortograpiya ng Wikang Pambansa, ganoon na rin siyempre ang ortograpiyang Tagalog. Minumulto kami ng Tagalog.
Bakit ba naging napakalapit ng Tagalog sa Filipino? Dahil nga lingua franca ang Tagalog noong ginagawa ang Filipino, madali at maraming salitang Tagalog ang nakapasok sa Filipino. Pero ang Filipino ay hindi purong Tagalog dahil tanggap na ang silya at berde, malaya na ring nakapasok ang hello, shawarma, at kwarta. At ilang mga pag-aaral sa mga diksyonaryong Filipino ang nagsasabing wala nang 50% ng Filipino ang Tagalog lamang. Hindi ko na masabi man lang na "karamihan" sa Filipino ay Tagalog.
Filipino na ang Wikang Pambansa. Filipino na rin ang lingua franca ng buong bansa. Filipino na rin sana ang maging nag-iisang opisyal na wika ng pambansang pamahalaan.
Basahin ang ikalawang bahagi: Multo ng Tagalog 2
No comments:
Post a Comment