*Sagot sa isang die-hard fundamental na regionalist na tinawag akong "evil" dahil Tagalog ako at hindi pa marunong ng ibang wika sa Filipinas.
Basahin ang unang bahagi: Multo ng Tagalog
Hindi si Quezon ang pumili sa Tagalog para maging pambansang wika.
Magsisimula ang kasaysayan ng pagpili sa pambansang wika noong 1934 nang ginagawa ang Konstitusyong 1935. Sabi ng 1935 Konstitusyon, Article XIV:
Section 3. The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. xxx
Ang mga delegado sa Constitutional Convention ng 1934 ay binoto ng mga Filipino. 50 lamang sa 202 mga delegado ang galing sa mga probinsyang Tagalog at ang mga leader naman doon ay mga Cebuano kaya imposible na may monopolya ang Tagalog sa Kumbensyon ng 1934. 96% ang naging boto para aprubahan ang Konstitusyong 1935 sa isang national referendum. Walang monopolya ang mga Tagalog sa isang national referendum.
Sa mandato ng Konstitusyong 1935, inaprubahan ng National Assembly ang Commonwealth Act No. 184 ng 1936 na gumawa sa National Language Institute (NLI). Ang mga assemblyman ay ibinoboto ng mga Filipino kada distrikto. 18 lamang sa 98 mga assemblyman ang galing sa mga distriktong Tagalog at taga-Negros ang mga leader sa asemblea kaya imposibleng may monopolya ang Tagalog sa asemblea.
Sabi sa batas na ang pangulo ang pipili ng mga miyembro sa NLI na dapat galing sa iba't-ibang ethno-linguistic groups sa bansa. Sabi pa na pag-aaralan ng NLI ang mga wika sa bansa at pipili nang magiging basehan ng wikang pambansa. Walang magagawa si Quezon kundi sumunod sa batas dahil siya ang naging pangulo.
Ang napiling mga miyembro ng NLI ay sina:
Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte Visayan), chairman;
Santiago A. Fonacier (Ilocano), miyembro;
Filemon Sotto (Cebu Visayan), miyembro;
Casimero F. Perfecto (Bicol), miyembro;
Felix S. Salas Rodriguez (Panay Visayan), miyembro;
Hadji Butu (Moro), miyembro; at
Cecilio Lopez (Tagalog), miyembro at secretary
Malinaw na walang monopolya ang Tagalog sa NLI at taga-Samar-Leyte Visayas ang chairman nito. Napili ng NLI ang Tagalog na maging basehan ng wikang pambansa. Sinabi ng NLI sa resolusyong kanilang inilabas:
"This conclusion represents not only the conviction of the members of the Institute but also the opinion of Filipino scholars and patriots of divergent origin and varied education and tendencies who are unanimously in favor of the selection of Tagalog as the basis of the national language as it has been found to be used and accepted by the greatest number of Filipinos not to mention the categorical views expressed by local newspapers, publications, and individual writers."
Dahil sa rekomendasyon ng NLI, at utos ng batas at Konstitusyong 1935, pinroklama ni Quezon noong 1937 sa bisa ng Executive Order No. 134 na Tagalog ang maging basehan ng wikang pambansa.
Imposibleng si Quezon ang may pakana ng lahat dahil magiging pangulo lamang siya pagkatapos magawa ang Konstitusyong 1935 at sinunod lamang niya ang Konstitusyon, batas, at rekomendasyon ng NLI. Imposible rin na ito ay imperyalismo o kolonyalismo ng Tagalog dahil kahit sa isang hakbang ay walang monopolya ang Tagalog maliban sa ang pangulo ay Tagalog ngunit kita namang wala siyang kontrol sa ni isang hakbang.
No comments:
Post a Comment